Contact Info Malate Literary Folio Website Info Webmaster: Brian Sahagun History Bakit "Malate Journal"?Hindi na Horizon, hindi na Sulyap. Malate Journal na ang pangalan ng magasing ito. Ang pagbabago'y hinihingi ng pangangailangan ng panahon. Noong 1960, nang unang ilathala ang may 52-pahinang Horizon, ito'y binansagang cultural magazine. Layunin nitong makasulat ang mga estudyante sa wikang-Filipino, Ingles at Kastila. Sabi nga ni Bro. J. Cyril, F.S.C., ang unang moderator ng Horizon, ang hangad ng magasin ay "to educate, to edify, to entertain..." Sa pamamagitan ng unang editor nitong si Oscar Lagman, Jr., at ang unang gurong tagapayo na si Dr. Marcelino Foronda, Jr., naitaguyod ng Horizon ang isang masigasig na panunulat sa De La Salle College noon. Ang totoo, sa loob lamang ng dalawang taon, naitatag na ng Horizon ang simula ng panitikan sa DLSC. Noong Marso 1962, sa pamamatnubay ng taga-pangulo ng Editorial Advisory Board na si Dr. Eduardo Deveza, ang Horizon ay naglabas ng anotolohiya ng mga piling akda't sulatin, hindi lamang ng mga estudyante kundi pati na ang mga kagawad ng faculty ng unibersidad. Ang nasabing antolohiya ay hindi pa nauulit sa kasalukuyan sa mahaba-haba na ring buhay-pampanitikan sa De La Salle University. Nakatakda ang Horizon na maging saksi at tagapamansag ng mga pagkabalisa, pagsusuri at pag-uusisa noong 1960's. Nailunsad na ang aktibismong pangkabataan at naging malaganap na ang mga rally at demonstrasyon. Kabilang ang De La Salle sa mga eskwelahang nasangkot sa nakakahawang pag-aalsa ng mga estudyante. Ang naging mitsa ay ang pagkasuspinde kay Bro. Edward Decker, isang guidance counselor noong Disyembre 6, 1968 ng administrasyong pamantasan sa bintang ng pagbibigay ng subversive talk on student power. Iglap ang reaksiyon ng mga klase sa Liberal Arts sa umaga. Nagboycott sila ng mga klase at hindi nagtagal... spontaneous outburst from mass of students introduced ideological framework, instead of academic question sa pagpigil kay Bro. Decker... Sinikap ng administrasyong bumagay sa mga kalakaran ng panahon, ngunit ang pahayag ng mga estudyante na a liberal outlook can not sustain a student movement forever ay nagpatibay na sumulong na ang kamalayan ng mga kabataan mula sa pagka-makasariling kapakanan tungo sa pagkaunawang ang pagbabago ng sino man sa kanila ay dapat na kasabay ng pagbabago ng sambayanan. Kasunod nito, isinilang ang isang kikilalaning lider-estudaynte ng panahong iyon - si Chito Sta. Romana. Noong 1971, ang Horizon ay naglabas ng isang isyu na makikilala agad sa nilalaman, paraan ng pagsulat at sa awtor na kasangkot sa pakikitunggaling pang-ideolohiya ng mga estudyante ng De La Salle. Kabilang sa mga artikulong kasama sa isyung iyon ang isang pagtalakay kay Franz Fanon (The Wrath of the Earth - pinakakilalang pinuo at intelektwal ng mga bansang nagsasalita ng Frances). Nilinaw ang palagay ni Fanon hinggil sa karahasang panghimagsikan at papel na ginagampanan ng mga magbubkid sa pagbabagong panlipunan. Isinama rin sa isyung iyon ang mga artikulong Monopoly, Capital On Feudalism at ang Notes on Literature and Art in Society na halatang hango sa kaisipang Mao Tse Tung. Pagkaraan ng isyung iyon sinuspinde na ang writ of habeas corpus at hindi nagtagal, idineklara na ang matial law. Nasindak ang mga manunulat. Pati ang mga akda sa kampus ay naging pagtatangka na lamang ng mga baguhan. Sa kabila ng mapaniil na kapaligiran, ang Horizon ay nagpatuloy sa paglathala pagkaraang bigyan ng go-signal ng MECS. Bago nagpalit ito ng pangalan. Ang huling editor nito ay si Connie Maraan. Mula sa Horizon, ang magasin ay naging Sulyap. Naging isang masikap na pagtatangka ang pagpapalit ng pangalan upang mapasigla ang panitikan sa kampus ng De La Salle. Kabilang sa dalawang naging editor nito ay sina Sunita Mukhi at Marie Grace Madamba, na nagbukas na panibagong pinto tungo sa isang may direksyong panitikan sa kampus na La Salle. Ngayon, may mga dahilang itinakda ang panahon upang muling magbago ng pangalan ang magasing ito. Una, hindi mahirap isiping sa pangangailangan ng kasalukuyan, makitid na ang kahulugan ng dalawang naging pangalan nito- ang Horizon at Sulyap. Ikalawa, magiging isang karangalan ng DLSU kung ang pangalan ng magasing ito ay tulay na maguugay sa unibersidad at sa makasaysayang lugar nitong sinilangan - ang distrito ng Malate. Ikatlo, hangad ng Malate Journal na sa pamamgitan ng mission statement ng DLSU na maging tagapamansag sa panig na ito ng Metro Manila ng iskolarsip, nasyonalismo, sining at pagka-Kristyano. Malaki at hindi biru-birong hamon para sa mga kagawad ng patnugutan nito ang mga pangitain ng Malate Journal. Ngunit ang mga kabataang kagawad nito'y walang katapusang bukal ng talino, dedikasyon, tapang, at komitment para sa kapakanan ng pamantasan at ng sambayanan. Walang dahilan upang di sila magtagumpay. Maging ang panahon - na may dagok ng krisis-pangkabuhayan ay isang malaking oportunidad para sa mga kagawad ng Malate Journal ngayon na mabigyang-buhay ang kanilang pangitain para sa pamantasan at sa sambayanan. Hinihingi sa kanila ang masigasig na pangangalap ng data, ng pagsusuri nito, ng pagtitimbang-timbang sa mga implikasyon niyon at sa pagbigay ng konklusyon o lunas na hindi mapanarili kundi para sa lahat. Ang panulat ay sandata. Ang Malate Journal ay laranagan ng tunggalian ng mga kaisipan. Mula sa abo at labi ng mga paglalaban ay ang anyayang sumupling, bumulas at mamulaklak - ang sining at panitikan ng bayan. |